Dagupan City – Nanawagan ang Kabataan Partylist Pangasinan para sa masusing pagbusisi sa impeachment complaint na nakahain laban kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. dahil sa mga isyu ng korapsyon, kapalpakan sa pamamahala, at iba pang pinupukol dito.

Ayon kay Angelo Tejoso, Coordinator ng nasabing grupo, nararapat na bigyang pansin ang hinaing ng mga mamamayan dahil sa patuloy na paglala ng korapsyon, kabilang na ang mga kontrobersyal na proyekto sa flood control at ang umano’y malaking kickback sa 2025 National Budget.

Binatikos din ni Tejoso ang pagbawas sa budget ng mga state universities, na aniya’y nagpapahirap sa mga estudyante lalo na ang mga kabataan.

--Ads--

Dagdag pa niya, dapat rin umanong magbitiw sa pwesto si Bise Presidente Sara Duterte dahil sa kaparehong mga isyu.

Binigyang-diin din ng Kabataan Partylist ang pagbuo ng National Transition Council na siyang mamumuno pansamantala habang nagsasagawa ng masusing pagpili ng mga susunod na lider na mangunguna sa interes ng taong bayan.