Nilinaw ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan na hindi ito kumikita mula sa PhilHealth Yakap Program, ngunit mahalaga umano ito upang mapalawak pa ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Pangasinense.

Binigyang-diin ni Pangasinan Governor Ramon ‘Monmon’ Guico III na hindi nakatuon sa kita ang PhilHealth Yakap Program ng lalawigan, kundi sa pagbibigay ng mas maayos at mas malawak na serbisyong medikal para sa mamamayan.

Ayon sa gobernador, pangunahing layunin ng programa na masiguro na mas maraming Pangasinense ang mairehistro at makinabang sa mga benepisyong hatid ng PhilHealth.

--Ads--

Bagama’t walang direktang kita mula sa programa, sinabi ni Governor Guico na may kaunting kita naman ang lalawigan mula sa operasyon ng mga pampublikong ospital, partikular sa mga bayarin ng mga pasyenteng na-oospital o sumasailalim sa confinement.

Paliwanag pa nito, bahagi rin ng inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapatuloy ng PhilHealth Gamot Program na nagbibigay ng libreng gamot sa mga residente, dahilan upang muling maglaan ng pondo at mag-invest ang lalawigan para sa naturang programa.

Dagdag pa ng gobernador, layunin nilang hindi lamang mga mahihirap ang makinabang sa serbisyong pangkalusugan kundi maging ang lahat ng Pangasinense, mayaman man o mahirap, upang magkaroon ng pantay na access sa serbisyong medikal at tuloy-tuloy na suplay ng gamot na maaaring matanggap buwan-buwan.

Samantala, tiniyak naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang patuloy na pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan upang higit na mapakinabangan ng mga residente ang serbisyong medikal sa lalawigan.