Sa gitna ng nagpapatuloy na kompetisyon sa Palarong Pambansa 2026, tiniyak ni Cesar Bucsit, Chairperson ng Documentation Committee, na nananatiling ligtas at nasa mabuting kondisyon ang mga atleta ng Rehiyon 1 sa kabila ng mga hamon sa panahon at lokasyon.
Sa kabila ng pabago-bagong panahon sa Agusan del Sur—mula sa matinding init hanggang sa malakas na pag-ulan na nagdulot ng bahagyang pagtaas ng tubig sa paligid ng ilang billeting schools—maayos ang kalagayan ng mga manlalaro. Ayon kay Bucsit, komportable ang akomodasyon ng mga bata dahil ang mga silid-aralan ay air-conditioned at well-ventilated.
Mahigpit din ang pangangasiwa sa kalusugan at nutrisyon. Dahil ang ilang playing venues ay inaabot ng isa’t kalahati hanggang dalawang oras na biyahe, ang Food Committee ay nagpapadala ng baong meryenda at tanghalian para sa mga atleta upang matiyak na hindi sila bibili ng pagkain sa labas na maaaring magdulot ng sakit. Sa kasalukuyan, wala pang napaulat na kaso ng malalang karamdaman gaya ng diarrhea o lagnat; tanging karaniwang pagkapagod o fatigue lamang ang nararanasan na agad namang tinutugunan ng mga trainers at health personnel.
Inaasahang mga Medalya at Target Malaki pa ang pag-asa ng rehiyon na makasungkit ng mga karagdagang medalya sa mga nalalapit na laban sa Wushu, Boxing (battle for silver at gold), at Basketball Girls na kasalukuyang nasa knockout stages. Binigyang-diin ni Bucsit na ang layunin ng delegasyon ay mapantayan o malampasan ang kanilang ika-12 na pwesto noong nakaraang taon.
Inaasahan ang pagtatapos ng palaro sa darating na Linggo, kung saan ang programa ay nakatutok sa awarding ceremonies at pagkilala sa mga natatanging delegasyon.
Nakiusap si Bucsit ng patuloy na panalangin at suporta mula sa mga kababayan sa Region 1. Pinuri rin niya ang determinasyon at pagsisikap ng mga atleta na nagbibigay ng karangalan sa rehiyon sa kabila ng anumang pagsubok.










