Muling iginiit ng grupong Pangisda Pilipinas ang panawagan para sa mas matibay na proteksyon sa karagatan at kabuhayan ng maliliit na mangingisda sa paggunita ng Araw ng mga Mangingisda ngayong darating na Mayo 31.
Ayon kay Pablo Rosales, Presidente ng Pangisda Pilipinas, idinaos ng kanilang organisasyon ang serye ng mga pagkilos at programa bilang bahagi ng pag-alala sa deklarasyon na 26 na taon nang inilaan para sa mga artisanal o maliliit na mangingisda sa bansa.
Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng grupo sa Recto, Maynila bago nagmartsa patungong Mendiola upang ipahayag ang kanilang mga hinaing at panawagan. Bukod sa Metro Manila, nagsagawa rin ng mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang Navotas, Las Piñas, Parañaque, Sarangani Bay, Bataan, Zambales, Bulacan, Santo Tomas, at Dagupan.
Sa panayam, binigyang-diin ni Rosales ang umano’y patuloy na pagkasira ng karagatan dahil sa pagpasok ng commercial fishing sa municipal waters o 15-kilometrong saklaw na nakalaan lamang para sa maliliit na mangingisda ayon sa batas.
Partikular niya ring binanggit ang umano’y black sand mining sa Lingayen Gulf kung saan aniya’y kinukuha ang buhangin para gamitin sa mga reclamation project kabilang ang airport project ng San Miguel Corporation at iba pang reclamation sa Pasay.
Ayon pa kay Rosales, ang patuloy na pagkasira ng karagatan ay direktang nakaaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda at sa lokal na produksyon ng pagkain.










