Kinumpirma ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mayroong sangkot umano na ilang matataas na opisyal ng gobyerno sa pagkawala ng mga hindi pa natatagpuang mga sabungero.

Kung saan ay kasama aniya ito sa mga isinawalat ng lumantad na testigong kinilala bilang si alyas ‘Totoy’.

Ngunit nilinaw ni Remulla na patiloy pa rin ang kanilang isinasagawang imbestigasyon at pinag-aaralang mabuti upang tuluyang matukoy ang katotohanan sa likod ng pagkawala ng mga sabungero.

--Ads--

Giit niya, hindi ito isang ordinaryong kaso lamang ngunit isang isyu bilang organisadong krimen kaya’t masusing pag-iimbestiga ang kanilang ipinatutupad.

Kung kaya’t maingat ani Remulla ang kanilang paglalabas ng impormasyong sa publiko.

Nauna nang sinabi nito ba matagal na niyang nakausap ang testigo at isa sa mga akusado na kinilala bilang si alyas ‘Totoy’.

Sa katunayan aniya, bago pa man ang eleksyon ay nakapanayam na ng kalihim si alyas ‘Totoy’ at hawak na ng kagawaran ang impormasyong isinawalat nito.

Hiling ni Justice Secretary maging sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungero na bigyan siya ng karagdagan pang panahon upang magkaroon ng kaliwanagan sa naturang kaso.

Matatandaan sa isang panayam na inilantad ng kinilalang testigo na si alyas ‘Totoy’ na ang mga nawawalang sabungero ay pinatay at inilibing sa bahagi ng Taal Lake.

Idinagdag din nito na hindi lamang raw 34 sabungero ang nawawala kundi nasa 100 katao ang kasama sa mga naging biktima ayon sa kanyang mga ibinahagi na sinabi naman ni Justice Sceretary.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang imbestigasyon kasabay ng pagtitiyak ng kagawaran na hindi nila hahayaang makalimutan na lamang ang naturang isyu.