DAGUPAN CITY- Simula pa noong buwan ng Disyembre, ramdam na ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy sa ilang mga pamilihan dito sa lungsod ng Dagupan.
Ayon sa tinderong si Dennis Calpo, naging mahirap na ang pagbebenta nito dahil sa mataas na halaga ng karne, na nagiging sanhi ng pagbaba ng kanilang benta.
Aniya, kahit na halos magdamag sa pagbebenta ng karneng baboy mangilan ngilan pa rin ang bumibili nito.
Dagdag pa niya, nahirapan na silang mag-adjust sa mga bagong presyo.
Bukod pa dito, may mga pamilya na rin na nagbabalak na magtipid at kaya’t pinipili nalang na huwag nang bumibili ng karneng baboy.
Ayon sa mga vendor, ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy ay dulot ng ilang salik tulad ng kakulangan sa supply ng baboy at ang pagtaas ng halaga ng mga pangangailangan sa pagpapalaki ng mga ito.
Bukod sa mga lokal na isyu, may epekto rin ang mga pagtaas ng presyo sa mga kalapit na bayan na nagsisilbing mga supplier ng karneng baboy sa Dagupan.