DAGUPAN CITY— Mariing pinabulaanan ni Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, ang pananaw na may direktang ugnayan ang pagbulusok ng ekonomiya at ang isyu ng korapsyon sa bansa. Para kay Africa, bagama’t matagal nang suliranin ang katiwalian, hindi ito ang pangunahing dahilan ng patuloy na paghina ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas.

Ayon sa kanya, mula pa noong 2017 ay malinaw nang nasa pababang direksyon ang takbo ng ekonomiya. May katotohanan man umano sa hakbang ng pamahalaan na pansamantalang ihinto ang ilang gastusin sa imprastraktura noong huling semestre ng 2025, iginiit ni Africa na hindi ito ang ugat ng mababang paglago.

Ang tunay na problema, aniya, ay ang tuluy-tuloy na paghina ng agrikultura, pagmamanupaktura, at lokal na industriya—mga sektor na direktang sumasalo sa kabuhayan ng nakararaming Pilipino.

--Ads--

Bigay-diin ni Adrica, na kung mas pagtutuunan ng gobyerno ng sapat na pondo at malinaw na direksyon ang mga sektor na ito, mas makakakita tayo ng makabuluhang pag-angat sa mga numero.

Para sa kanya, kapansin-pansin na maraming opisyal ang mas abala sa pag-eendorso ng kani-kanilang mga proyekto at plano, ngunit kulang naman sa kongkretong balangkas para sa tunay na pagpapaunlad ng ekonomiya.

Sa katunayan, tinukoy niyang siyam sa bawat sampung target ng pamahalaan ang hindi natutupad—isang dahilan kung bakit hindi optimistiko ang IBON Foundation sa mga ipinapangakong layunin.

“Put your money where your mouth is,” hamon ni Africa sa pamahalaan. Aniya, kung seryoso ang gobyerno sa pagsusulong ng agrikultura, dapat itong pondohan at palakasin nang todo—hindi lamang sa salita kundi sa gawa.

Ikalawa, kailangan umanong patibayin ang lokal na industriya upang makalikha ng mas maraming trabaho at mapalakas ang sariling produksyon ng bansa.

Ikatlo, kasabay ng pagpapasigla sa agrikultura at industriya, dapat ding bigyang-prayoridad ang edukasyon, sistemang pangkalusugan, at pabahay. Para kay Africa, hindi hiwalay ang mga ito sa usapin ng ekonomiya; sa halip, sila ang pundasyon ng pangmatagalang pag-unlad.

Nagbabala rin siya na kung magpapatuloy ang mga pulitikong inuuna ang sariling popularidad at mga proyektong higit na nakikinabang sa kanilang interes at estado, mananatili ang Pilipinas sa talaan ng mga bansang may pinakamataas na antas ng kahirapan sa ASEAN—mataas man o mababa ang GDP.

Sa huli, malinaw ang mensahe ni Africa: hindi sapat ang malalaking numero at magagarbong proyekto. Ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay kung paano nito binabago ang buhay ng karaniwang mamamayan.