Dagupan City – Pinaiigting ng Calasiao Municipal Police Station ang police visibility at mobile patrol operations bilang bahagi ng patuloy na kampanya upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan ng Calasiao.

Sa panayam ng kay PLTCOL Rodel C. Gabatin, Officer-in-charge PNP Calasiao, sinabi nito na layunin ng kanilang mga operasyon na maramdaman ng publiko ang presensya ng kapulisan sa mga komunidad at pampublikong lugar.

Ayon kay PLtCol. Gabatin, hinihikayat din nila ang mga residente na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang tao o aktibidad upang mas mabilis na matugunan ang mga posibleng banta sa seguridad.

--Ads--

Binigyang-diin din ng opisyal ang mahalagang papel ng mga force multipliers at mga barangay sa pagpapanatili ng kaayusan.

Aniya, nagsisilbing mata at tainga ng kapulisan ang mga komunidad kaya mahalaga ang pagtutulungan ng pulisya at mamamayan upang mapanatiling ligtas ang bawat barangay.

Ibinahagi rin ni PLtCol. Gabatin ang programang Police N’yo Alerto at Aksyon, Handang Magsilbi sa Serbisyong Nararapat na kasalukuyang ipinatutupad ng Calasiao PNP.

Nakaayon umano ito sa direktiba ng regional at provincial police leadership na higit pang palakasin ang police presence at mapabilis ang pagtugon sa mga insidente.

Dagdag pa niya, bahagi rin ng programa ang pagpapatibay ng ugnayan sa mga barangay upang mas mapalawak ang partisipasyon ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at katahimikan sa bayan.

Patuloy namang nananawagan ang Calasiao PNP sa publiko na maging mapagmatyag at makiisa sa mga programa ng kapulisan para sa mas ligtas at mas maayos na pamayanan.