Pinahintulutan ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dumalo sa kanyang confirmation of charges hearing na nakatakda sa susunod na linggo.
Sa desisyong inilabas nitong Biyernes ng hapon (oras sa Maynila), sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber I na sapat ang pirmadong kahilingan na isinumite ni Duterte upang matugunan ang mga rekisito para sa waiver o boluntaryong pagtalikod ng isang suspek sa karapatang dumalo sa pagdinig ng kumpirmasyon ng mga sakdal.
Ayon sa mga hukom, bagama’t kinikilala nila ang pagtutol ng Prosecution at ng Common Legal Representative of the Victims (CLRV), nararapat pa ring ituloy ang pagdinig kahit wala si Duterte.
Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ni ICC spokesperson Oriane Maillet na ang hindi pagdalo ni Duterte sa susunod na linggo ay batay sa kanyang waiver bilang suspek at hindi dahil sa mga kadahilanang pangkalusugan.
Dagdag pa niya, batay sa pagsusuri ng isang independent panel ng mga eksperto sa medisina at sa mga legal na kalagayan ng kaso, napag-alaman ng mga hukom noong Enero 26, 2026, na si Duterte ay may kakayahang dumalo at makilahok sa mga pre-trial proceedings.
Sa kanilang desisyon, binigyang-diin din ng mga pre-trial judges na ang mga isinumite ng depensa bilang suporta sa kahilingan ay “espekulatibo, walang epekto sa mga proseso ng Korte, at hindi kaugnay” sa usapin ng pagdalo sa pagdinig.
Si defense lawyer Nicholas Kaufman ay muling nagbanggit ng mga alegasyon kaugnay ng kalagayang pangkalusugan ng dating pangulo. Gayunman, nauna nang idineklara ng mga hukom na si Duterte ay medically fit upang makibahagi sa pre-trial proceedings, batay sa ulat ng isang independiyenteng panel ng mga medical experts.
Mariin namang tinutulan ng Office of the Prosecutor ang kahilingan ni Duterte, iginiit na walang makatwirang dahilan upang hindi siya humarap sa confirmation hearings.
Ang mga pagdinig ay nakatakdang isagawa sa Pebrero 23-24 at Pebrero 26-27, 2026.








