Dagupan City – Nagsagawa ng isang “Fire Safety and Prevention Training Seminar” ang mga Sangguniang Kabataan sa bayan ng Bayambang sa layuning palakasin ang kaalaman at kahandaan sa pag-iwas sa sunog.
Ang nasabing aktibidad ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Fire Prevention Month at pinangunahan ng SK Federation President na si Marianne Cheska Dulay.
Dumalo sa seminar ang mga SK Chairperson at kinatawan mula sa bawat barangay ng nasabing bayan.
Ang mga fire marshall naman mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Bayambang ang naging mga tagapagturo, kung saan tinalakay nila ang mga tamang hakbang sa pag-iwas at pagtugon sa mga insidente ng sunog.
Nagbigay din ng mga praktikal na pagsasanay at demonstrasyon ang mga fire marshall upang mas mapalalim ang kaalaman ng mga dumalo sa mga tamang hakbang sa pagtugon sa mga insidente ng sunog.
Kasama sa mga tinalakay ang tamang paggamit ng fire extinguisher, mga paalala sa tamang pag-iwas sa mga karaniwang sanhi ng sunog, at mga hakbang upang mapanatiling ligtas ang kanilang mga pamilya at komunidad sa oras ng sakuna.
Ang aktibidad ay magbibigay-diin din sa kahalagahan ng pagtutulungan ng bawat isa upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad, lalo na sa panahon ng mga hindi inaasahang kalamidad at nagsilbing gabay upang magsimula ng mas maraming fire safety initiatives sa buong bayan.