Iniulat ng state television ng Iran na nakakuha umano ang Tehran ng draft ng isang paunang memorandum of understanding (MoU) kasama ang Estados Unidos kaugnay ng posibleng pagtatapos ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.
Batay sa ulat, nakasaad sa draft framework na ibabalik ng Iran sa normal o pre-war levels ang commercial shipping sa Strait of Hormuz sa loob ng isang buwan. Kapalit nito, aalisin naman ng Estados Unidos ang mga puwersang militar nito malapit sa Iran at ititigil ang naval blockade.
Ayon sa state TV ng Iran, hindi pa pinal ang naturang framework at hindi muna kikilos ang Tehran hangga’t wala umanong “tangible verification” o konkretong katiyakan sa mga kasunduan.
Nakasaad din sa draft na hindi kabilang ang mga military vessel sa kasunduan at pamamahalaan ng Iran ang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz katuwang ang bansang Oman.
Dagdag pa rito, kung magkakaroon ng pinal na kasunduan sa loob ng 60 araw, maaari umano itong aprubahan bilang isang binding resolution ng United Nations Security Council.
Nabatid na ang naturang kasunduan sa pagitan ng U.S. at Iran ay nagmula sa mga indirect talks na sinimulan matapos sumiklab ang digmaan noong Pebrero. Kung saan naging pangunahing tagapamagitan ang bansang Pakistan para sa tigil putukan.










