Ligtas ang Filipino community sa Venezuela at walang naitalang nasawi o nasugatan matapos ang dalawang magkasunod na malalakas na lindol sa bansa.

Ayon kay Atty. Jan Mikhail Gabriel Solitario, Third Secretary at Vice Consul ng Philippine Embassy sa Bogota, wala silang naitalang casualty mula sa hanay ng mga Filipino sa Venezuela.

Aniya, tumagal ng humigit-kumulang 45 minuto bago naibalik ang suplay ng kuryente, dahilan upang makausap at makumusta nila ang mga miyembro ng Filipino community sa bansa.

--Ads--

Sa ngayon nilinaw ni Solitario na wala pa ring natatanggap ang embahada na anumang kahilingan para sa assistance o repatriation mula sa mga Pilipino roon.

Bukod sa pansamantalang pagkawala ng kuryente, nakatanggap din sila ng ulat tungkol sa pagkaantala ng water supply, ngunit agad din itong naibalik sa parehong araw.

Kaugnay nito, may naitalang isang kaso ng displacement kung saan hiniling na mailipat ang isang indibidwal sa ibang gusali bilang pag-iingat, ngunit agad din siyang nakabalik sa kanyang tinutuluyan sa loob ng parehong araw.

Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa mga lokal na awtoridad at sa Filipino community upang matukoy kung may kinakailangan pang tulong.