Unti-unti nang nahuhumaling sa larong tennis ang maraming Filipino communities sa Amerika dahil sa ipinakitang husay, dangal, at dedikasyon ng Filipina tennis sensation na si Alex Eala.
Ito ay matapos masungkit ni Eala ang pinakamalaking titulo sa kanyang propesyonal na karera nang talunin ang top seed na si Jessica Pegula, 4-6, 6-4, 6-0, sa finals ng 2026 Mubadala DC Open nitong Martes, oras sa Pilipinas.
Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa USA, labis ang paghanga ng mga Pilipino sa Amerika sa ipinakitang determinasyon ni Eala.
Sinabi ni Pascual na dahil sa sunod-sunod na tagumpay ni Eala, marami sa mga Filipino communities ang naging interesado at regular nang nanonood ng mga tennis tournament upang suportahan ang Pinay athlete.
Nagpakita ng matinding tibay ng loob si Eala matapos maantala ng halos 20 oras ang championship match dahil sa masamang panahon. Sa kabila ng pagkatalo sa unang set, matagumpay siyang nakabawi at dinomina ang sumunod na dalawang set upang maiuwi ang kampeonato.
Sa panayam matapos ang laban, sinabi ng 21-anyos na Pinay na ang walang sawang suporta at pagmamahal ng kanyang pamilya at mga kaibigan ang nagsilbing inspirasyon niya upang ipagpatuloy ang laban hanggang sa makamit ang tagumpay.
Dahil sa kanyang makasaysayang panalo, hindi lamang karangalan para sa Pilipinas ang iniuwi ni Alex Eala kundi naging inspirasyon din siya sa mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang mga Filipino communities sa Amerika, na ngayo’y mas lalong sumusuporta at nahuhumaling sa sport na tennis.









