Iniimbestigahan ng Songpa Police Station sa South Korea ang isang Japanese woman na nagnakaw ng halik kay Jin, isa sa mga miyembro ng K-pop supergroup na BTS. Ang insidente ay naganap noong June 13, 2024, isang araw matapos mag-discharge si Jin mula sa kanyang mandatory military service, na nagsimula noong December 2022.
Si Jin ang kauna-unahang miyembro ng BTS na na-discharge, kaya naman nagkaroon siya ng fan meeting bilang bahagi ng BTS FESTA, isang taunang selebrasyon ng debut anniversary ng grupo. Ang fan meeting ay ginanap sa Jamsil Arena sa Jamsil Sports Complex, Songpa-gu, Seoul, kung saan dumalo ang isang libong lucky fans na nagkaroon ng pagkakataong makatagpo at makipagkita kay Jin nang malapitan.
Ayon sa mga kuhang video, habang isinasagawa ang meet-and-greet, makikita ang isang fan na biglaang humalik sa leeg ni Jin habang siya ay nakayakap pa sa K-pop idol. Sa mga video, kapansin-pansin ang pagkabigla ni Jin at ang hindi siya komportableng reaksyon sa nangyari.
Marami sa mga tagahanga ng BTS ang nadismaya at nagalit sa ginawa ng fan, dahil malinaw daw sa mga instructions ng event na ang tanging pinapayagan ay ang kaway, yakap, at pakikipagkamay lamang. Ang ginawang aksyon ng fan ay inakusahang sexual harassment, na nagpataas ng tensyon sa mga BTS fans. Agad ring ipinaabot ng ilang fans ang insidente sa Big Hit Music, ang talent agency ng BTS, na nagbigay-direksyon upang imbestigahan ang nangyari.
Ayon sa Yonhap News Agency, ang fan na ito ay nag-post pa sa kanyang online blog tungkol sa karanasang paghalik kay Jin, na nagsilbing hudyat para sa mga awtoridad na ituloy ang kanilang imbestigasyon. Batay sa mga ulat, nilabag ng fan ang Korea’s Act on Special Cases Concerning the Punishment of Sexual Crime.
Sa mga bagong ulat na lumabas noong Sabado, March 1, 2025, natukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng babaeng nasa viral video. Ayon sa kanila, ito ay isang 50-taong-gulang na babae mula sa Japan, ngunit upang maprotektahan ang kanyang seguridad, hindi na nila ipinangalan ang fan.
Sa kasalukuyan, inimbitahan na ng Songpa Police ang Japanese woman upang humarap at magpaliwanag tungkol sa insidente, ngunit wala pa silang natatanggap na tugon mula sa kanya.