DAGUPAN CITY- Pinaglalamayan na ngayon ang labi ng isang 83-anyos na babae sa Barangay Guiguilonen sa bayan ng Mangaldan matapos maaksidente sa kahabaan ng kalsada ng kanilang barangay.

Ayon kay Pltcol. Perlito Tuayon, Chief of Police ng Mangaldan Municipal Police Station, naganap ang aksidente nang biglang nag-overtake ang sasakyan sa isang tricycle habang tumatawid ang matanda sa kabilang linya ng kalsada madaling araw ng linggo.

Makikita sa CCTV footage na naglakad muna ang matanda sa gilid ng kalsada bago huminto para tumawid, ngunit biglang dumating ang isang mabilis na sasakyan na diretso sa kanyang dinadaanan, kaya siya nasagasaan.

--Ads--

Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa katawan at dinala agad sa ospital, ngunit idineklarang “dead on arrival” ng mga doktor.

Hindi naman nasaktan ang driver ng sasakyan at hindi rin nakitaan na ito ay nakainom ng alak.

Binigyang-diin ni Tuayon na nagkaroon na ng kasunduan ang pamilya ng biktima at ang panig ng driver ng sasakyan, kung saan itinalaga na ang mga kasangkot sa aksidente ay bahala sa lahat ng gastusin sa biktima hanggang sa pagpapalibing.

Sa kabilang banda, Ito na ang pang-apat na kaso ng aksidente sa bayan ng Mangaldan, kaya hinihikayat ng kapulisan ang publiko na maging maingat sa pagmamaneho at bantayan ang mga nakatatandang kamag-anak lalo na sa pagtawid sa kalsada para hindi na maulit ang ganitong insidente.

Ikinagulat naman ng pamilya ng biktima ang nangyari dahil hindi nila inakala na mangyayari ang ganitong sitwasyon.

Ayon sa kanyang apo, nalaman nila ang insidente nang magising sila dahil sa mga sigaw ng mga kapitbahay na nagsabi na naaksidente ang matanda.

Aniya na nakasanayan na umano ng matanda na lumalabas ng kanilang bahay sa may highway mga alas 4 o alas 5 ng madaling araw para bumili ng kape.

Pagbabahagi nito na mabait ang kanyang lola dahil kapag mayroon siyang pagkain ay agad silang binibigyan.

Batay umano sa CCTV footage at sa mga impormasyong natanggap ng pamilya, natamaan ang matanda sa bahagi ng tyan at dahil sa lakas ng impact, tumalsik siya at nahiga sa semento na may mga bakas ng dugo sa kanyang ulo.

Nanawagan ang apo ng biktima sa publiko na bantayan ang kanilang mga nakatatandang kamag-anak, lalo na kung nakatira malapit sa kalsada, para maiwasan ang mga aksidente.

Hiling din niya na dagdagan ang mga streetlight sa mga daanan upang mas mapahusay ang kaligtasan ng mga tao lalo na sa madaling araw.