Agad na umaksyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan ang isang 11-anyos na batang babae mula Camarines Sur na sumulat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng umano’y pang-aabuso ng isang opisyal ng barangay.
Kinumpirma ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nakipagpulong siya sa bata at sa pamunuan ng shelter na kumukupkop dito, alinsunod sa utos ng Pangulo na tugunan ang sitwasyon.
Tinutulungan din ng DSWD ang Redeemer Homeless Mission, isang shelter na nagsisilbing pansamantalang tirahan ng mga pamilyang naapektuhan ng kahirapan at kalamidad. Sa halip na ipasara dahil sa kakulangan ng papeles, tutulungan ng ahensya ang pasilidad na makumpleto ang mga kinakailangang permit.
Ayon sa ilang residente, nakararanas umano sila ng pangha-harass, kabilang ang pagputol ng kuryente at suplay ng tubig. Iniimbestigahan na ito ng mga awtoridad.
Samantala, tinutulungan din ng DSWD ang isang batang may special needs na umano’y paulit-ulit na ginahasa ng anak ng isang opisyal ng barangay. Patuloy na binibigyan ng pinansyal at psychosocial na tulong ang biktima at ang kanyang pamilya.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), naisampa na ang kaso ng rape noong 2023 at kasalukuyang nililitis, habang nakakulong na ang akusado.
Sinisiyasat din ng pulisya ang iba pang alegasyon tulad ng umano’y pagdukot at ang pangyayari sa miscarriage ng biktima. May ilang ulat naman, gaya ng pagkawala ng kuryente, na posibleng dulot ng bagyo, ayon sa mga awtoridad.
Tiniyak ng pamahalaan na magpapatuloy ang kanilang suporta sa mga biktima at sisiguraduhing mapapanagot ang mga sangkot sa ilalim ng batas.










