Patuloy ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa kanilang pagsisikap na labanan at mabawasan ang child labor sa Central Pangasinan.
Ayon kay Rhodora Dingle, head ng DOLE Central Pangasinan, mayroon silang mga na-profile at minomonitor na mga kaso ng child labor sa kanilang nasasakupan.
Mayroon silang tinatayang kulang sa isang libong kaso ng child labor na namonitor mula sa 11 lokal na pamahalaan (LGU) sa Central Pangasinan at kanilang natulungan.
Aniya, hindi lamang ang mga bata na nagtatrabaho sa mga mapanganib na lugar ang tinutukoy bilang child labor, kundi pati na rin ang mga napipilitang tumulong sa kanilang mga magulang dahil sa kahirapan.
Karamihan sa mga batang ito ay tumutulong sa kanilang mga magulang sa pagsasaka at pangingisda.
Upang matugunan ang problemang ito, nagbibigay ang DOLE ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at livelihood assistance sa mga pamilya ng mga bata.
Layunin nitong suportahan ang kanilang pamilya upang hindi na kailangang magtrabaho ang mga bata at sa halip ay makapag-aral.
Ipinahayag din ni Dingle na marami silang nailayo sa child labor noong 2025 sa pamamagitan ng kanilang mga programa, at patuloy nilang minomonitor ang kalagayan ng mga batang ito at ang epekto ng mga proyektong kanilang ibinigay.
Dagdag pa niya, nakamit nila ang 100% na pagbibigay ng assistance sa lahat ng mga na-profile at na-monitor nilang mga bata noong 2025.
Bagama’t hindi lahat ay nakatanggap ng livelihood assistance, ang kanilang mga magulang o kapamilya ay naipasok naman sa TUPAD Program.










