Maaaring maghain si Vice President Sara Duterte ng Demurrer to Evidence upang kuwestiyunin ang sapat na batayan ng kasong impeachment laban sa kaniya, kasunod ng pag-withdraw ng prosecution sa tatlo sa apat na articles of impeachment.
Ayon kay Atty. Francis Dominick Abril, legal consultant at political analyst, maaaring gamitin ng depensa ang naturang mosyon upang igiit na hindi sapat ang mga ebidensiyang iniharap ng prosecution upang ipagpatuloy ang paglilitis.
Ipinaliwanag ni Abril na nananatiling mahalagang bahagi ng kaso ang artikulong may kaugnayan sa unexplained wealth, na siyang pangunahing tinututukan ngayon ng prosecution. Binanggit din niya ang mga dokumentong umano’y nagpapakita ng posibleng hindi wastong deklarasyon ng yaman sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente, gayundin ang mga posibleng palatandaan ng money laundering.
Samantala, nilinaw ni Abril na hindi nangangahulugang nabura na sa case records ang mga ebidensiyang may kaugnayan sa tatlong iniurong na articles of impeachment. Maaari pa rin umanong magsilbi ang mga ito bilang sanggunian, bagama’t nakasalalay sa mga umiiral na tuntunin ng paglilitis kung paano magagamit ang mga naturang dokumento.
Posible rin umanong hilingin ng depensa na muling buksan ang mga iniurong na artikulo, lalo na kung makakita ito ng batayan upang kuwestiyunin ang hakbang ng prosecution.
Giit ni Abril, magiging mahalaga ang mga susunod na hakbang ng depensa at prosecution sa pagtukoy kung sapat ang ebidensiya upang umusad ang impeachment trial laban sa Bise Presidente.









