Mahigit tatlong taong pagkakakulong ang naging sentensiya ng Seoul Central District Court sa dating miyembro ng K-pop group na NCT na si Moon Tae Il o mas kilala sa kanyang stage name na Taeil.

Ito’y matapos siyang mahatulang guilty sa kasong rape o pagsasamantala.

Bukod kay Taeil, guilty rin ang naging hatol sa kapwa niya mga akusadong sina Mr. Lee at Mr. Hoo.

--Ads--

May kabuuang tatlong taon at anim na buwang pagkakakulong ang ipinataw na parusa ng korte sa tatlo matapos mapatunayang lumabag sila sa Act on Special Cases Concerning the Punishments of Sexual Crimes (Aggravated Quasi-Rape).

Pahayag ng Seoul Central District Court, inamin ng mga akusado ang krimen, at batay sa ebidensya, ay napatunayang sila ay nagkasala.

Ang biktima ay nasa kalagayan ng kawalan ng magagawa dahil sa pagkalasing, at ang krimen ay naganap sa tahanan ni Ginoong Lee.

Noong June 18, 2025, hiniling ng prosekusyon sa korte na patawan ng pitong taong pagkakakulong sina Taeil.

Ngunit dahil sa pag-amin nila sa ginawang kasalanan ay nagdesisyon ang korte na babaan ang kanilang sentensiya.

Nong June 2024, sumambulat sa publiko ang impormasyon tungkol sa sex crime na kinasangkutan ni Taeil.

Nangyari ito makaraang dumulog sa Seoul Bangbae Police Station ang babaeng naging biktima umano ng sikat na Korean idol.

Sa gitna noon ng imbestigasyon, nagdesisyon ang kinabibilangang talent management ni Taeil, na tanggalin siya sa NCT.

April 2016 nang mag-debut si Taeil sa NCT Korean at mapabilang sa subunit na NCT 127 at rotational group na NCT U.