Dagupan City – Kinakaharap ngayon ng ilang kabataan ang seryosong isyu ng cyberbullying na nagdudulot ng malalim na epekto sa kanilang mental at emosyonal na kalusugan.
Ang cyberbullying ay isang uri ng pang-aabuso na isinasagawa sa pamamagitan ng teknolohiya tulad ng social media, text messages, at iba pang online platforms.
Kadalasang nakakaranas ng depresyon, anxiety, at pagkawala ng tiwala sa sarili ang mga biktima nito.
Ayon kay Michael Ian Rabara, Information Systems Researcher III at Cybersecurity Focal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) R1, ang mga epekto ng cyberbullying sa mental at emosyonal na kalagayan ng mga biktima ay maaaring magtaglay ng matinding pasakit nagpapakalat ng kasinungalingan, pagbabanta, o pagmumura sa online, pati na rin ang pagpapakalat ng mga nakakasakit na larawan o video.
Sa ibang pagkakataon, nakatago rin ito sa ilalim ng “anonymity” o hindi pagkakakilanlan sa internet, kaya’t nahihirapan ang mga biktima na lumaban o maghain ng reklamo.
Masasabi naman umano na biktima ng cyberbullying ang isang indibidwal depende sa kung anong magigigng epekto ng nasabing post o kung paano niya ito dadamdamin.
Kung labis itong naapektuhan ay maiituri itong cyberbullying kahit sabihin na ito ay biro lamang dahil posibleng isipin ng ibang makakakita ay totoo ang post patungkol sa kanya.
Dagdag pa ni Rabara na may pananagutan din ang mga mang-iiwan ng comment na nagpapakita ng suporta sa gumagawa ng cyberbullying.
Maaari silang makulong ng hanggang anim na taon at magbayad ng multa na aabot sa P500,000 hanggang P1M, depende sa kalubhaan ng ginawa.
Mayroon ding karagdagang penalty depende sa kung anong klaseng cyberbullying ang nagawa kagaya na lamang ng pagpopost ng mga screenshots ng private conversation bukod sa paninira sa isang tao.