Kinakailangan ang naging pagbabago sa liderato ng Senado upang maibalik ang normal na operasyon ng kapulungan matapos ang sunod-sunod na hindi pagdalo ng dating Senate President sa mga sesyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan – Chairperson, Center for People Empowerment in Governance (CENPEG), naapektuhan na ang reputasyon ng buong Senado dahil sa umano’y kawalan ng liderato at paulit-ulit na pagliban ng namumuno sa kapulungan.

Binigyang-diin niya na sa anumang tanggapan, pampubliko man o pribado, maaaring mapalitan ang isang opisyal na hindi nakatutupad sa kanyang responsibilidad, lalo na kung naaantala na nito ang operasyon ng buong institusyon.

--Ads--

Ayon kay Simbulan, malaking halaga ng pondo ng bayan ang nagagastos sa bawat araw ng sesyon ng Senado.

Dahil dito, aniya, mahalagang masiguro na nagpapatuloy ang trabaho ng lehislatura para sa kapakanan ng publiko at sa pagpasa ng mga kinakailangang batas.

Kaugnay ng tanong kung legal ba ang pagkilala sa bagong liderato ng Senado, iginiit ni Simbulan na kinakailangan ang mga pambihirang hakbang upang muling gumana ang institusyon.

Pinuna rin niya ang paggamit umano ng social media bilang pangunahing plataporma sa pagpapahayag ng mga posisyon kaugnay ng sigalot sa Senado.

Para kay Simbulan, maaaring nakita ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang pangangailangang wakasan ang umiiral na deadlock sa Senado upang mapangalagaan ang kredibilidad ng institusyon.

Aniya, batid ni Escudero ang mga tuntunin ng lehislatura dahil sa kanyang mahabang karanasan bilang mambabatas, kaya’t posibleng naging layunin nito na maibalik ang normal na takbo ng sesyon at lehislatibong gawain.

Iginiit din niya na kung hahamunin man sa korte ang naging pagbabago sa liderato, mahalagang suriin ang usapin batay sa pagtupad sa tungkulin at sa pangangailangang mapanatiling gumagana ang Senado.