Muling pinagtibay ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang kanilang matibay na komitment sa pagpapaunlad ng sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng mga estratehikong pamumuhunan sa pasilidad at imprastraktura.

Sa isang panayam kay Vice Governor Mark Lambino, ipinahayag niya na ang lalawigan ay nakikiisa sa direksyon ng pambansang pamahalaan hinggil sa pagbabago ng school calendar shift.

Binigyang-diin ni Lambino na ang administrasyon, sa ilalim ng pamumuno ni Governor Ramon Guico III, ay naniniwala sa kahalagahan ng long-term investments kaysa sa mga panandaliang solusyon lamang.

--Ads--

Kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng patuloy na komitment ng administrasyon ay ang pagtugon sa mga pangangailangan sa infrastructure at facilities ng mga paaralan, maging ito man ay internal o external, kasabay ng pagsuporta sa mga programa para sa sports development.

Upang matiyak ang tagumpay ng mga layuning ito, patuloy na imamaximize ng lalawigan ang paggamit ng Special Education Fund para sa mga proyektong pang-edukasyon na itinuturing na long-term investment.

Ayon kay Lambino, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng regular at tuloy-tuloy na adhikain ng kasalukuyang administrasyon upang matiyak na ang mga mag-aaral sa Pangasinan ay may sapat at modernong mga kagamitan at silid-aralan.