Tiniyak ng 71st Infantry (Kaibigan) Battalion ng Philippine Army na nananatiling insurgency-free ang lalawigan ng Pangasinan kasabay ng patuloy na pagbabantay at pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Sa kanyang pagharap sa Sangguniang Panlalawigan, sinabi ni LTCOL. Christopher Manimtim, commander ng 71st Infantry (Kaibigan) Battalion, na walang naitatalang aktibong banta ng insurhensiya sa lalawigan sa kasalukuyan.
Ayon sa opisyal, bunga ito ng tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan ng militar sa mga lokal na pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno, at mga komunidad upang mapigilan ang muling pagpasok ng mga armadong grupo sa lalawigan.
Kasabay nito, inilatag rin ni Manimtim sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang iba’t ibang programa at inisyatibo ng kanilang yunit na nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan, pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad, at pagsuporta sa mga programa ng pamahalaan para sa kaunlaran at seguridad.
Binigyang-diin ng 71st Infantry Battalion na patuloy nilang paiigtingin ang kanilang mga hakbang at pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang matiyak na mananatiling ligtas, mapayapa, at malaya sa banta ng insurhensiya ang buong lalawigan ng Pangasinan.










