Pinabulaanan ni Senador Erwin Tulfo ang mga alegasyong may kapalit o kasunduan ang pagsipot ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero sa sesyon ng Mataas na Kapulungan nitong Miyerkules, Hunyo 3.
Sa panayam ng media, sinabi ni Tulfo na walang katotohanan ang mga espekulasyong may naging kapalit sa pagdalo ni Escudero sa gitna ng mga usapin at tensyon na kinahaharap ng Senado.
Pinabulaanan din ng senador ang mga pahayag na umano’y nakialam ang Malacañang upang matiyak ang presensya ni Escudero sa sesyon.
“Bakit makikialam ang Palasyo? This is a Senate, we are another branch of the government,” ani Tulfo.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng mga usap-usapan hinggil sa mga kaganapan sa Senado at sa umano’y pagkakahati ng ilang mambabatas kaugnay ng mga isyu sa liderato ng kapulungan.
Matatandaang dumalo si Escudero sa sesyon at muling ipinagtanggol ang kanyang mga naging hakbang bilang pinuno ng Senado.
Sa hiwalay na pahayag, binigyang-diin ni Escudero na hindi siya pumapanig sa anumang paksyon at nananatiling nakatuon sa kapakanan ng institusyon ng Senado.
“This is not a political contest. I am not taking sides. I am taking a stand for the Senate. My allegiance is not to any faction, personality, group or alliance. This is not about loyalty, betrayal, or choosing one group over the other—this is about duty,” ani Escudero.
Sa kabila ng mga isyung kinahaharap ng kapulungan, iginiit ni Tulfo na nananatiling malaya ang Senado bilang isang sangay ng pamahalaan at ang mga usapin sa loob nito ay dapat maresolba ng mga senador nang walang impluwensiya mula sa ibang sangay ng gobyerno.
Samantala, inaasahang magpapatuloy ang mga konsultasyon at talakayan sa Senado kaugnay ng mga usaping may kinalaman sa operasyon at pamumuno ng kapulungan.









