DAGUPAN CITY- Nakatakdang simulan ngayong Hunyo 9 hanggang 13 ang taunang Brigada Eskwela sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Sa Mangaldan National High School sa Pangasinan, maaga nang naihanda ang mga programa at aktibidad na bahagi ng limang araw na Brigada Eskwela.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, kabilang sa mga aktibidad ang Brigada Pagbasa na layuning mapalalim ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa, sa ilalim ng Filipino at English Department.
Hindi lamang pisikal na kaayusan ang pokus ngayong taon. Isinama na rin sa saklaw ng Brigada Eskwela ang mga inisyatiba para sa mental health ng mga estudyante.
Bahagi ito ng mas malawak na layunin ng Department of Education na tiyaking handa hindi lang ang mga pasilidad, kundi pati na rin ang emosyonal na kalagayan ng mga kabataan sa pagbabalik-eskwela.
Nakatakda na rin ang iskedyul ng mga stakeholders, gaya ng mga magulang, guro, at iba pang miyembro ng komunidad, upang tumulong sa paglilinis, pagkukumpuni, at pagsasaayos ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad ng paaralan.
Sa kabuuan, layunin ng Brigada Eskwela na maging ligtas, maayos, at mas handa ang mga paaralan para sa pagbubukas ng klase ngayong pasukan.