Inanunsyo ng pamahalaang bayan ng Bayambang na tuluyan nang nabili ng local na pamahalaan ang titulado at pribadong lupang kinatitirikan ng bagong Bayambang Central School (BCS) sa Barangay Bical Norte, kasunod ng paglagda sa isang Deed of Usufruct sa pagitan ng LGU-Bayambang at Department of Education (DepEd).

Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony noong Hunyo 16, sinabi ni Mayor Niña Jose-Quiambao na bahagi ito ng judicially approved compromise agreement kaugnay ng matagal nang usapin sa pagmamay-ari ng paaralan.

Ayon sa alkalde, nakapangalan na sa LGU-Bayambang ang titulo ng lupa at pormal na ipinagkaloob sa Bayambang Central School ang eksklusibong karapatang gamitin ang kabuuang 20,581 square meters na lupain kasama ang mga pasilidad nito sa loob ng 25 taon, na maaari pang i-renew.

--Ads--

Ayon kay DepEd Regional Director Dr. Estela P. Leon-Cariño, ito ang kauna-unahang malaking kasunduan ng ganitong uri sa buong Region I.
Aniya, makatutulong ito upang masiguro ang katatagan ng operasyon ng paaralan at mapabuti ang kalidad ng edukasyon para sa mga mag-aaral.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Bayambang Central School Principal Lamberto De Vera at sinabing ang pagkakaroon ng permanenteng campus ay magbibigay ng mas maraming oportunidad upang mapalawak ang mga pasilidad at mapataas ang kalidad ng pagtuturo.

Samantala, nananatiling usapin sa ilang sektor ng bayan ang kinabukasan ng dating Bayambang Central School sa poblacion matapos lumutang ang mga ulat na posibleng gamitin ang lugar para sa mga komersyal na proyekto.

Matatandaang naging sentro ng legal na usapin sa mga nagdaang taon ang lumang BCS. Ayon sa LGU, naibalik sa pagmamay-ari ng pamahalaang bayan ang naturang lupa matapos ang desisyon ng korte noong 2023.