Dagupan City – Nasawi ang barangay kagawad matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem habang nakaduty sa barangay hall ng Brgy. Poblacion East sa Calasiao.

Kinilala ang biktima na si Jodel M. Diolazo, 31-anyos at residente ng nasabing barangay.

Batay sa inisyal na impormasyon, dakong alas-11:35 ng gabi nang dumating ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.

--Ads--

Habang nagbabantay umano sa barangay hall ang biktima ay bigla itong pinagbabaril ng armadong suspek.

Tinangka pa umanong tumakas ng kagawad ngunit hinabol ito ng gunman at muling pinaputukan.

Agad namang rumesponde ang mga kaanak at barangay officials upang dalhin ang biktima sa ospital. Ayon sa pamilya ng biktima, wala silang alam na posibleng dahilan ng pamamaril dahil hindi umano ito nagsasabi ng personal nitong problema sa kanyang pamilya.

Labis ding nagdadalamhati at emosyonal ang mga naiwang mahal sa buhay ng biktima.

Ayon naman kay Barangay Captain Marivic Estrada, kilala umano niyang mabait, masipag, palabiro, at palangiti ang biktima lalo na noong una silang parehong nagsilbi bilang opisyal ng barangay.

Gayunman, napansin umano nila nitong mga nakaraang buwan na madalas nang umiwas sa duty ang kagawad at nagdadahilan na masama ang pakiramdam tuwing oras ng kanyang pagbabantay sa barangay hall.

Sa kasalukuyan patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pamamaril.