Dagupan City – Tiniyak ng AUTOPro Pangasinan na hindi muna sila magtataas ng pamasahe sa kabila ng banta ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Bernard Tuliao, Presidente ng AUTOPro Pangasinan, ang mga operator ang pangunahing maaapektuhan kung tuluyang tumaas ang presyo ng langis.

Kung kaya’t aniya ay patuloy nilang tinitingnan ang posibleng exemption sa excise tax ng langis, ngunit hindi pa rin umano lahat ng operator at driver ang nakatatanggap ng benepisyong ito.

--Ads--

Sa kabila nito, sinabi ni Tuliao na hangga’t maaari ay ayaw nilang magpatupad ng dagdag-pamasahe dahil maraming pasahero ang maaapektuhan.

Isa sa mga nakikitang paraan ay ang pag-aadjust sa sistema ng boundary upang makatulong sa mga driver.

Dagdag pa ni Tuliao, kung may planong itaas ang presyo ng langis ng hanggang ₱15 kada litro, dapat itong ipatupad nang paunti-unti at hindi biglaan, dahil tinatayang nasa ₱200 ang maaaring mabawas sa kita ng mga operator at driver.

Nanawagan din si Tuliao sa Department of Energy (DOE) na makipag-ugnayan sa mga malalaking kumpanya ng langis upang matiyak na may maayos at makatarungang presyo ng langis para sa sektor ng transportasyon.