Nasawi ang anim na katao habang 20 naman ang sugatan matapos ang isang malagim na aksidente na kinasangkutan ng isang mini dump truck at pickup truck sa mountain trail road ng Barangay Bolo, sa bayan ng Labrador dito sa lalawigan ng Pangasinan

Ayon kay PCapt. John Ramos, Officer-in-Charge ng Labrador Municipal Police Station, Sa paunang impormasyon, magkasunod na bumabagtas pababa ng bundok ang dalawang sasakyan nang mawalan umano ng preno ang mini dump truck at nahagip nito ang pickup truck bago tumagilid at tuluyang bumulusok sa bangin.

Sinabi ni Ramos na bagama’t mayroon nang nakalap na mahahalagang detalye ang mga imbestigador, hindi pa maaaring maglabas ng pinal na konklusyon hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon. Tinitingnan din ng pulisya kung may mga pananagutang maaaring isampa kaugnay ng insidente.

--Ads--

Kinumpirma naman ni Reginaldo Escaño ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na kabilang sa anim na nasawi ang driver ng mini dump truck habang ang mga sugatan ay dinalaa sa limang magkakaibang ospital.

Samantala, agad na nagpalabas ng Executive Order si Labrador Mayor Noel Uson na pansamantalang nagpapatigil sa operasyon at pagpasok ng mga empleyado sa solar project site habang isinasagawa ang imbestigasyon sa aksidente.

Tiniyak din ng alkalde na makatatanggap ng kaukulang tulong ang pamilya ng mga biktima.
Nakikipag-ugnayan na rin ang LGU sa kumpanya upang matiyak na maibigay ang kinakailangang suporta mga naapektuhan ng trahedya.

Samantala, patuloy ang isinasagawang site inspection at koordinasyon ang mga awtoridad para sa mas malalim na imbestigasyon sa isa sa pinakamalalang aksidente na naitala sa bayan ngayong taon.