Nanawagan ang Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), ng agarang pagtaas ng sahod at mas komprehensibong tugon ng pamahalaan kasunod ng pagtaas ng pasahe at presyo ng langis sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kay Josua Mata ang Secretary General ng nasabing grupo, kinilala niya ang pangangailangan ng mga tsuper na itaas ang pasahe dahil sa patuloy na pagmahal ng produktong petrolyo.

Gayunman, iginiit niyang mas lalong napipilitan ang mga manggagawa, lalo na ang minimum wage earners, na hindi na makasabay sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

--Ads--

Binigyang-diin ni Mata na dapat unahin ng Kongreso ang panukalang umento sa sahod kaysa sa pagbibigay ng emergency powers para alisin ang excise tax sa langis.

Ayon sa kanya, posibleng magdulot ito ng malaking kawalan sa pondo ng gobyerno na umaabot sa tinatayang ₱136 bilyon kada taon.

Ipinaliwanag niyang kung mawawala ang kita mula sa excise tax, mababawasan ang kakayahan ng pamahalaan na magbigay ng subsidiya sa mga sektor na apektado ng oil price hikes, kabilang ang mga tsuper, delivery riders, mangingisda, at maging ang sektor ng agrikultura.

Ayon kay Mata, hindi rin makatarungan ang panukalang alisin ang excise tax dahil mas makikinabang dito ang mayayamang sektor na mas malaki ang konsumo sa langis.

Pinuna rin ng labor leader ang aniya’y “patchwork” o pira-pirasong solusyon ng pamahalaan, tulad ng pamimigay ng subsidiya at pagpayag sa taas-pasahe, na walang pangmatagalang plano.

Aniya, kinakailangan ang isang mas malawak at sistematikong tugon na kinabibilangan ng: Dagdag sahod para sa mga manggagawa, mas malawak na fuel subsidy, kabilang ang delivery riders

Posibleng food subsidy sa harap ng inaasahang pagtaas ng presyo ng pagkain at pagpapalawak at pagpapabuti ng pampublikong transportasyon, kabilang ang posibilidad ng libreng sakay

Nagbabala si Mata na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay may domino effect sa ekonomiya—mula sa pagmahal ng pataba hanggang sa pagtaas ng presyo ng pagkain.

Maaari rin itong makaapekto sa employment, kabilang ang posibleng pagdami ng unemployed at pagbawas ng kita ng overseas Filipino workers (OFWs).