Mas pinaigting pa ng Philippine National Police Binmaley ang kanilang kampanya kontra kriminalidad sa pamamagitan ng pagpapatupad ng bagong estratehiya na inilunsad ng pamunuan ng Police Regional Office 1.

Ayon kay PLtCol Lister A. Saygo, PNP Binmaley Chief of Police, bahagi ito ng Enhanced A.L.E.R.T.O. Framework Anti-Criminality Law Enforcement Responsive and Transformative Organization na inilunsad ni Police Brigadier General Jovencio S. Badua Jr. upang higit pang mapalakas ang seguridad at kaayusan sa mga komunidad.

Ipinaliwanag ni Saygo na layunin ng naturang programa na gawing mas ligtas, maayos at mapayapa ang bawat bayan sa pamamagitan ng mas mabilis at organisadong pagtugon ng kapulisan sa mga insidente ng krimen.

--Ads--

Kaugnay nito, ipinatutupad din sa bayan ng Binmaley ang tinatawag na “Seal off Plan” kung saan nakatalaga ang mga police personnel sa iba’t ibang bahagi ng bayan sakaling magkaroon ng insidente gaya ng robbery at iba pang krimen.

Sa ilalim ng nasabing deployment plan, tiniyak ng PNP na may nakaantabay na mga pulis sa mahahalagang kanto at lugar sa bayan upang mapabilis ang pagresponde at mapigilan ang pagtakas ng mga suspek.

Kabilang din sa mga katuwang ng PNP sa pagpapatupad ng programa ang mga force multiplier tulad ng Barangay Intelligence Network, BPATs, mga volunteer groups, CIS at mga guardians na nakatalaga sa iba’t ibang barangay.

Ayon pa kay Saygo, nakaangkla ang kanilang Seal of Plan sa Enhanced Alerto Framework ng PRO1 at nakatuon ito sa agarang pag-aksyon upang mapanatili ang kapayapaan at mahuli ang sinumang magtatangkang gumawa ng krimen sa bayan ng Binmaley.