Arestado ang isang 50-anyos na lalaki na kabilang sa Top 2 City Level Most Wanted Person ng Dagupan City matapos itong madakip sa isinagawang manhunt operation sa bayan ng Binmaley.
Kinilala ang naarestong suspek na isang motorboat driver at residente ng Sitio Tondo, Brgy. Calmay, Dagupan City.
Batay sa ulat ng pulisya, nadakip ang suspek bandang alas-11:23 ng umaga noong Mayo 17 sa Brgy. Calit, Binmaley sa pamamagitan ng pinagsanib na operasyon ng Binmaley Police Station, Dagupan City Police Office at Provincial Intelligence Team Pangasinan RIU 1.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Zarah Sanchez Fernandez noong Mayo 6, 2026.
Nahaharap ang akusado sa dalawang bilang ng qualified rape of a minor na walang inirekomendang piyansa at limang bilang naman ng acts of lasciviousness sa ilalim ng Revised Penal Code kaugnay ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
May inirekomendang piyansa na tig-P60,000 para sa bawat bilang ng acts of lasciviousness.
Ayon sa pulisya, gumamit ang mga operatiba ng body worn camera at alternative recording device sa kabuuan ng operasyon alinsunod sa itinakdang alituntunin ng Korte Suprema.
Matapos ang pag-aresto, isinailalim din sa beripikasyon ang pangalan ng suspek sa PNP E-Warrant at National Police Clearance System bago ito dinala sa kustodiya ng himpilan para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Isinugod din ang akusado sa Lingayen District Hospital para sa isinagawang medico-legal examination.










