DAGUPAN CITY- ‘Kulang sa pangil’ kung isalarawan ng Kabataan Partylist ang Anti-Political Dynasty Law at malaking bagay ang pag-usad ng bagong panukalang batas para mapagtibay ito.
Kasalukuyang inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang naturang panukalang batas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Angelo Tejoso, Coordinator ng nasabing partido, aniya, matagal na itong bahagi ng konstitusyon ng bansa ngunit hindi naman nabigyan linaw ang limitasyon nito.
Aniya, sa pangunguna ng Makabayan Bloc, katuwang ang ACT Teachers Partylist at Gabriela Partylist, nakapaloob sa kanilang isinusulong na panukalang batas na matigil agad sa first degree level ng pamilya ang kwalipikasyong makapasok sa politika.
Giit ni Tejoso na ang patuloy na pag-iral ng Political Dynasty ay walang kabutihang idudulot sa bansa.
At ang pag-usad ng panukalang batas ay isang malaking hakbang para wakasan ang kurapsyon.
Hindi naman niya nakikita ang sinseridad ng Aministrasyong Marcos sa pagsuporta sa Anti-Political Dynasty Act dahil taktika lamang ito upang mapanatili sa kamay ng mga ito ang kapangyarihan.
Samantala, nakikita rin ni Tejoso ang pag-iral ng Political Dynasty sa lalawigan ng Pangasinan.
Ipinapanawagan niya sa mga mamamayan ng Pangasinan na tignan mabuti ang progreso ng kanilang bayan sa ilalim ng iisang pamilyang namumuno.










