Dagupan City – Nanindigan ang grupong Bantay Bigas na dapat ay direktang kontrolin ng pamahalaan ang presyo ng bigas at hindi lamang umasa sa pagpapatupad ng price cap o suggested retail price (SRP).

Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, bagama’t naglabas na ng Executive Order No. 118 ang pamahalaan na nagtatakda ng price cap sa imported at lokal na bigas, nananatili pa rin aniyang mataas ang presyo nito para sa karaniwang mamamayan.

Tinukoy ni Estavillo na ang itinakdang P53 kada kilo para sa lokal na bigas ay hindi pa rin sapat upang maibsan ang pasanin ng publiko.

--Ads--

Giit niya, mas mahalaga ang tunay na pagkontrol sa presyo ng bigas kaysa sa pansamantalang hakbang gaya ng SRP o price cap.

Aniya, kahit ilang executive order pa ang ilabas ng gobyerno, mananatili pa rin ang suliranin hangga’t hindi naipapatupad ang ipinangakong P20 kada kilo ng bigas sa mga pamilihan.

Dagdag pa niya, hindi rin sapat ang pagdami ng mga Kadiwa store sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil hindi pa rin nito naaabot at napaglilingkuran ang lahat ng mamamayan.

Samantala, kaugnay ng epekto ng El Niño, sinabi ni Estavillo na matagal nang bahagi ng realidad ng bansa ang matinding init at tagtuyot kaya dapat ay may malinaw nang paghahanda ang pamahalaan, lalo na sa usapin ng patubig at suporta sa mga magsasaka.

Binigyang-diin din niya na lalo pang pinapalala ng climate crisis ang kalagayan ng mga magsasaka dahil sa kakulangan umano ng konkretong hakbang mula sa gobyerno.

Kabilang aniya sa mga suliranin ang pagpapahintulot sa paggamit ng mga lupang agrikultural para sa malalaking dayuhang pamumuhunan at negosyo, na nagdudulot umano ng pangmatagalang pagkalugi sa sektor ng agrikultura ng bansa.

Matatandaang inanunsyo ng Department of Agriculture ang pagpapatupad ng suggested retail price na P53 kada kilo para sa lokal na bigas bilang gabay sa mga mamimili.