DAGUPAN CITY—Nanawagan si Liberty de Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), sa pamahalaan na pabilisin ang pag-apruba sa kanilang mga mosyon upang makapagparehistro na ang mga jeepney operator ng kanilang mga sasakyan.
Sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, iginiit ni de Luna na ang patuloy na pagkaantala ng proseso sa Department of Transportation (DOTr) ay nagdudulot ng direktang pinsala sa mga operator. Dahil hindi pa maayos ang papeles, hindi sila makapagpasada na nangangahulugang tuloy-tuloy din ang pagkawala ng kanilang kita.
Kasabay nito, patuloy na pinapasan ng sektor ang epekto ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis. Ayon kay de Luna, nananatiling naka-pending at hindi pa rin napapakinggan ang kanilang panawagan para sa P1 dagdag-pasahe.
Bagama’t aminado silang maaaring hindi ito agad maipatupad, umaapela ang ACTO na kung hindi man maibigay ang fare hike, sana ay maipagkaloob man lamang ang service contracting o fuel subsidy upang kahit paano’y maibsan ang bigat na dinadala ng mga tsuper.
Sa kabila ng mga hamon, nilinaw ni de Luna na wala sa plano ng kanilang grupo ang magsagawa ng transport strike sa ngayon.










