Naitawid na palabas ng Finland Water Territory ang nasunog na Russian cargo ship na Sparta II matapos tamaan ng pinaniniwalang inilunsad na drone attack ng Ukraine sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan nito sa Russia.
Ayon sa panayam kay Bombo International News Correspondent sa Finland na si Mhaye Blacer Fajanella, tinamaan umano ang naturang barko habang nasa karagatan ng international waters at naanod patungong karagatang sakop ng Finland.
Agad namang rumesponde ang Finland at Estonia coast guards upang tumulong sa pag-apula ng sunog at maiwasang madamay ang iba pang barkong dumaraan sa lugar.
Samantala, ligtas namang naihatid pabalik sa Russia ang lahat ng 16 na tripulante sakay ng Russian rescue vessel habang sinimulan na ring hilain pabalik ang Sparta II gamit din ang vessel palabas sa karagatang sakop ng Finland.
Ayon naman kay Fajanella, ito umano ang unang pagkakataon na nangyari sa water territory ng bansa na nagdulot ng pangamba sa ilang residente hinggil sa posibleng pagkaladkad ng Finland sa sigalot ng Russia at Ukraine.










