Naghahanda na ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng San Nicolas, Pangasinan laban sa inaasahang forest fire at grass fire ngayong papalapit na tag-init, sa kabila ng wala pang naitatalang sunog sa ngayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eddie A. Mateo, Head ng MENRO – San Nicolas, mula mismo sa Malico, sinabi nito na malawak ang pine forest at grassland sa bayan kaya inaasahan na ang posibleng pagsiklab ng sunog. Aniya, mas binibigyang-diin nila ngayon ang prevention kaysa suppression, kaya nagsasagawa sila ng Information and Education Campaign (IEC) sa mga barangay at pakikipagpulong sa mga IPMR ng Kalanguya at AWOC tribes na nakatira sa kabundukan.
Bilang paghahanda, naglagay na rin ang MENRO ng mga tangke na may tubig sa kahabaan ng Villaverde Road, at bumili ng mga hose at power spray na magagamit sakaling magkaroon ng sunog. Ayon kay Mateo, may 33 barangay ang San Nicolas at 9 dito ang may kabundukan. Noong 2023 ay lumagda sila ng Memorandum of Agreement kasama ang DENR at mga barangay LGU upang magtulungan sa prevention at suppression ng sunog.
Binanggit din ni Mateo ang limang pangunahing sanhi ng sunog sa kabundukan. Una ay ang pagsusunog ng mga nagpapastol ng baka upang tumubo ang bagong damo. Pangalawa ay ang mga hunters na nagsusunog upang paamuhin ang mga baboy-damo. Pangatlo ay ang mga honey gatherers tuwing Abril at Mayo na nagsusunog upang hindi habulin ng bubuyog. Pang-apat ay ang mga naiwang apoy ng mga nagluluto sa daan, at panglima ay ang sigarilyo.
Samantala, wala anyang naka-standby na Bureau of Fire Protection sa Malico, ngunit may PNP at Army sa lugar, at naka-record naman ang contact number ng BFP na nasa bayan. Aniya, pinakamalala ang sunog tuwing Marso, Abril, at Mayo dahil mahirap apulahin ang apoy lalo na at karugtong ng kabundukan ng San Nicolas ang Carranglan, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, at Itogon, Benguet. Kaugnay nito, nanawagan si Mateo sa mga bibisita sa Malico na huwag magsunog at i-uwi ang kanilang basura, lalo na ang plastic, upang hindi masira ang kalikasan at hindi bumara sa mga kanal sa lowland.










