Dagupan City – Naging maayos at matagumpay ang proseso ng pagdo-donate ng dugo ng unang dalawang blood donor sa nagpapatuloy na Dugong Bombo 2026 sa Nepo Mall, Dagupan City ngayong Sabado, Nobyembre 14.
Kabilang sa mga unang matagumpay na blood donor sina Jail Officer 1 Diosdado A. Menia at Jail Officer 1 Jeremy Neil Galero, kapwa personnel ng BJMP Dagupan City Jail Male Dormitory.
Ayon kay Menia, regular siyang nagbibigay ng dugo at ikinatuwa niya ang pagkakataong makibahagi sa naturang aktibidad. Binigyang-diin din niyang nakatuon ang kanilang tanggapan sa pagsuporta sa mga blood donation drive upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo.
Samantala, sinabi naman ni Galero na ikinatuwa ng kanilang hanay nang malaman ang pagsasagawa ng Dugong Bombo dahil malaking tulong ito sa mga nangangailangan. Tiniyak din niyang patuloy na susuportahan ng kanilang tanggapan ang mga programang tulad nito.
Hinikayat naman ng dalawang BJMP personnel ang publiko na makiisa sa blood donation drive at magbigay ng dugo upang makatulong sa pagliligtas ng buhay.
Samantala, ibinahagi naman ni Ruel De Guzman, isang regular na blood donor ng Dugong Bombo mula pa noong 2012, ang kahalagahan ng naturang programa dahil malaki umano ang naitutulong nito sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo.
Patuloy na isinasagawa ang Dugong Bombo 2026: A Little Pain, A Life to Gain sa Nepo Mall sa Dagupan City bilang bahagi ng taunang programa ng Bombo Radyo Philippines Foundation, Inc. sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross.










