Dagupan City – Pabor ang Samahan Industriya ng Agrikultura o SINAG sa posibleng pagpapalawig ng 60-araw na pagbabawal sa pag-aangkat ng karneng baboy sa bansa upang makatulong sa pagbangon ng lokal na industriya ng paghahayupan.
Ayon kay Engr. Rosendo So, chairman ng SINAG, makatutulong ang naturang hakbang upang mabigyan ng pagkakataong makabawi sa pagkalugi ang mga lokal na magbababoy. Gayunman, iginiit nitong dapat ding ibalik sa orihinal na antas ang taripa sa imported pork na 30 porsiyento para sa in-quota at 40 porsiyento para sa out-quota imports.
Paliwanag ni So, hindi umano nakamit ang inaasahang pagbaba ng presyo ng karneng baboy sa kabila ng pagpapababa ng taripa sa mga imported na produkto. Sa halip, mas naging mahirap para sa mga lokal na producer na makipagkumpitensya dahil mas pinipili ng ilang mamimili at negosyante ang imported na karne.
Dagdag pa niya, umaabot lamang sa 90 hanggang 150 piso kada kilo ang halaga ng imported frozen meat, habang nasa 165 hanggang 170 piso kada kilo ang production cost ng lokal na karneng baboy.
Dahil dito, nanawagan ang SINAG na maibalik ang dating taripa upang maprotektahan ang lokal na industriya at matiyak ang pagpapatuloy ng produksyon.










