Dagupan City – Pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang pagpapatupad ng 2027 Community-Based Monitoring System o CBMS, na magsisilbing mahalagang batayan sa pagtukoy sa kalagayan at pangangailangan ng mga residente para sa mas angkop na pagpaplano ng mga programa at serbisyong pampubliko.

Kaugnay nito, nagpulong ang mga miyembro ng Municipal Coordinating Board sa Mayor’s Conference Room upang talakayin ang mga kinakailangang paghahanda para sa nasabing sistema.

Kabilang sa mga tinalakay ang 2027 CBMS Plan, mga paunang detalye at iskedyul ng implementasyon, gayundin ang mga mapang gagamitin sa pangangalap ng impormasyon sa mga komunidad.

--Ads--

Naglahad din ng mga binagong plano ang mga kinatawan ng Philippine Statistics Authority o PSA-Pangasinan upang magsilbing gabay sa paghahanda at pagsasagawa ng CBMS sa susunod na taon.

Mahalaga ang sistemang ito dahil sa pamamagitan ng pangangalap at pagsusuri ng datos mula sa mga komunidad, magkakaroon ang lokal na pamahalaan ng mas malinaw na batayan kung anong mga pangangailangan ang dapat unahin at kung saang mga lugar higit na kinakailangan ang mga programa at serbisyo.

Sa ganitong paraan, mas maiiwasan ang pagpaplano batay lamang sa palagay at mas matitiyak na ang mga proyektong ilalaan ng pamahalaan ay nakabatay sa aktuwal na kalagayan ng mga mamamayan.

Inorganisa ang pulong ng Municipal Planning and Development Office sa pangunguna ng tanggapan ng MPDO, bilang bahagi ng paghahanda ng bayan para sa implementasyon ng 2027 CBMS.