Dagupan City – ‎Paiigtingin ng Department of Public Works and Highways ang dredging operations sa tatlong pangunahing ilog sa Dagupan City bilang bahagi ng flood mitigation efforts sa ilalim ng Oplan Kontra Baha ng national government.
‎
‎Sa isinagawang presentasyon ng DPWH Regional Office I, pinangungunahan ni Chief of Staff at Project Manager II Raymond Mendoza sa ilalim ni Undersecretary Charles Calima, at pinangasiwaan ng Equipment Management Division na pinamumunuan ni Engineer Kim Angelo Soy, tinukoy ang Pantal River, Patogkawen River at Sinucalan River para sa paglilinis at dredging.
‎
‎Saklaw ng proyekto ang mga daluyan ng tubig na nakaaapekto sa mga barangay ng Lasip Chico, Malued, Bacayao Sur, Bacayao Norte, Caranglaan, Pogo Grande, Lasip Grande, Pogo Chico, Herrero-Perez at Mayombo.
‎
‎Layunin ng hakbang na mapalalim at mapalawak ang daloy ng tubig sa mga ilog upang mabawasan ang pagbaha sa mga mabababang lugar sa lungsod lalo na tuwing may malakas na pag-ulan.
‎
‎Patuloy ang koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at DPWH para sa pagpapatupad ng pangmatagalang solusyon laban sa pagbaha at para sa kaligtasan ng mga residente.