Dagupan City – Arangkada ngayong araw, Nobyembre 4, 2026, ang Lingkod Pag-IBIG on Wheels sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan para ilapit sa publiko ang iba’t ibang serbisyo ng ahensya.
Isinagawa ang aktibidad mula alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-tres ng hapon sa Municipal Hall Grounds, sa pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Bona Fe De Vera-Parayno, katuwang ang mga kawani ng Pag-IBIG na sina Jonah Grace Oxiles at Julie Anne Lozano.
Layong dalhin sa mismong bayan ang mga pangunahing transaksyon tulad ng new registration bilang miyembro ng Pag-IBIG Fund, beripikasyon ng savings at membership records, at paggabay sa loan applications kabilang ang short-term loans at provident benefits.
Kabilang din sa serbisyong inihahatid ang assistance sa housing loan transactions at paggabay sa paggamit ng online services sa pamamagitan ng Virtual Pag-IBIG, gayundin ang pagbibigay ng impormasyon kaugnay sa iba’t ibang benepisyo ng ahensya.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ito ng pagsisikap na gawing mas abot-kamay ang serbisyo ng gobyerno para sa mga Mangaldanian na nais magpa-miyembro o mag-avail ng benepisyo.










