Dagupan City – Inaasahang mas mabilis, mas maginhawa, at mas maunlad na turismo ang bubungad sa mga deboto at turistang bibisita sa Bayan ng Manaoag.
Ito ay matapos ilatag ni Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario ang serye ng mga malalaking proyektong imprastraktura sa bayan sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pamumuno ni Gov. Ramon “Mon-Mon” Guico III.
Ayon kay Mayor Rosario, malaki ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa pamahalaang panlalawigan sa pagkilala sa malaking potensyal ng Manaoag sa larangan ng turismo.
Kabilang sa mga pangunahing proyektong kasalukuyang itinatayo ay ang bagong highway sa likuran ng Manaoag Central Elementary School.
Magiging alternatibong daan ito para sa mga motoristang patungong Pozorrubio , Baguio City, Dagupan City, at Binalonan, habang binabawasan ang matinding trapiko sa sentro ng bayan.
Bumili rin ang pamahalaang panlalawigan ng apat na ektaryang lupain sa likod ng Our Lady of Manaoag Basilica na pagtatayuan ng isang Intermodal Bus Terminal upang pagsamahin at isa-centralize ang mga pampublikong sasakyan.
Ibinahagi rin ng alkalde na muling pinagtibay ng San Miguel Corporation (SMC) ang commitment nito sa pagpapatayo ng Pangasinan Link Expressway (PLEX).
Ang PLEX ay mag-uugnay sa silangan at kanlurang bahagi ng Pangasinan mula TPLEX Binalonan/Urdaneta hanggang Alaminos City.
Isang malaking biyaya para sa Manaoag na ang kauna-unahang interchange ng PLEX mula TPLEX ay itatayo mismo sa kanilang bayan.
Sa oras na matapos ito, ang mga bisita at motoristang mula sa Maynila at iba pang lalawigan ay makakapag-exit na nang direkta sa Bayan ng Manaoag.
Mayroon na ring naitayong malaking rotunda sa Barangay Baritao na mag-uugnay sa mga kalsada patungong Binalonan at Pozorrubio bilang bahagi ng mas malawak na “road network connectivity” sa buong lalawigan.










