Iwasan ang pag-aksaya ng bigas! Hinihikayat ng Philrice ang half-cup rice servings. Alamin ang epekto ng pag-aksaya at paano makakatulong sa mga magsasaka.

Hinikayat ng Philippine Rice Research Institute o Philrice ang publiko na simulan ang pagkain ng mas maliliit na porson ng kanin, gaya ng half-cup rice serving, upang maiwasan ang pag-aksaya ng bigas.

Bahagi ito ng advokasiya ng ahensya bilang pagdiriwang sa National Rice Awareness Month ngayong Nobyembre.

Batay sa mga datos ng Department of Agriculture, tinatayang halos dalawang kutsara ng kanin ang nasasayang sa bawat pilipino araw-araw, na katumbas ng humigit-kumulang 9.69 kilo bawat taon.

--Ads--

Sa kabuuan, umaabot naman sa 542,477.6 metrikong tonelada ng bigas ang nasasayang taon-taon sa buong bansa.

Katumbas ito ng bigas na maaaring makapagpakain sa halos 5.17 milyong pilipino sa loob ng isang taon.

Hinikayat din ng Philippine Rice Research Institute ang publiko na suportahan ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng lokal na produktong bigas.

Hinimok din ng institusyon ang mga pilipino na pumili ng mas masustansyang uri ng bigas bilang bahagi ng pagpapanatili ng wastong nutrisyon at pagtulong sa pagtugon sa problema ng malnutrisyon sa bansa.