Tinanggihan ng Foreign Ministry ng North Korea ang isang resolusyon ng International Atomic Energy Agency (IAEA) na kumukondena sa programang nuklear at mga sandatang nuklear ng Pyongyang.

Sinabi ng ministeryo noong Sabado na hindi na mababago ang katayuan ng North Korea bilang isang bansang nagmamay-ari ng sandatang nuklear at na nakabatay ito sa kanilang nuclear deterrent o kakayahang pigilan ang mga kaaway sa pamamagitan ng banta ng pagganti gamit ang mga sandatang nuklear.

Ayon sa pahayag na inilabas ng state-run Korean Central News Agency (KCNA), nananatili ang paninindigan ng North Korea na hindi nito isusuko ang kakayahang nuklear nito.

--Ads--

Sa isang hiwalay na pahayag sa KCNA, inakusahan ni Kim Yo Jong, kapatid ng lider ng North Korea na si Kim Jong Un, ang nuclear watchdog na IAEA ng pagkakaroon ng double standards o magkakaibang pamantayan.

Ayon kay Kim Yo Jong, ang “makiling na pananaw at double standards” ng IAEA ang “pangunahing dahilan ng pagbagsak ng pandaigdigang sistema para sa pagpigil sa paglaganap ng mga sandatang nuklear.”

Sinabi niya na ipinagwalang-bahala umano ng UN nuclear watchdog ang “lantad na mga aktibidad sa pagpapalaganap ng mga sandatang nuklear” ng Estados Unidos, pati na ang “plano ng South Korea na magpakilala ng nuclear submarine.”

Samantala, sinabi niyang sapilitang ipinasa ng ahensya ang isang resolusyon laban sa tinawag niyang “pangdepensa sa sarili at lehitimong mga aktibidad na nuklear” ng North Korea.

Inakusahan din ng North Korean Foreign Ministry ang mga “pwersang kaaway” na nagtatangkang wakasan ang programang nuklear ng bansa sa ginaganap na pangkalahatang kumperensya ng IAEA ngayong linggo.

“Sa kasamaang-palad, ang ‘resolusyon’ na binuo ng US at ng Kanluran ay walang epekto sa katayuan ng DPRK bilang isang bansang nagmamay-ari ng mga sandatang nuklear,” sinabi ng isang tagapagsalita ng foreign ministry.

Ang DPRK ay tumutukoy sa Democratic People’s Republic of Korea, ang opisyal na pangalan ng North Korea.

Iniulat din ng state media na nagsagawa si Kim Jong Un ng tatlong araw na inspeksyon sa mga pangunahing pabrika na gumagawa ng mga kagamitang pandigma ngayong linggo.