Inilarawan bilang landslide ang naging resulta ng midterm election sa Estados Unidos kung saan lumalabas na ang mga Democrats ang magiging majority at magko-kontrol sa Senado at sa House of Representatives ng Amerika.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance o CenPEG ngayong Nobyembre 5, 2026, sinabi nitong bagamat hindi pa final ang resulta, batay sa trend ay malaking dagok ito kay US President Donald Trump.
Ayon kay Prof. Simbulan, pagpapahiwatig ito na gumising na ang mamamayang Amerikano sa aniya ay pambobola at panloloko ni Trump. Aniya, nangako si Trump na anti-war president at hindi na makikigulo ang Amerika, ngunit ang nangyari ay nakisabay pa ito sa giyera na ginawa ng Israel laban sa Iran na nakaapekto sa supply ng langis at nagpataas sa presyo ng gasolina at lahat ng bilihin sa Estados Unidos.
Bukod sa ekonomiya, binanggit din ni Prof. Simbulan na maraming aksyon at desisyon si Trump na labag umano sa US Constitution. Dahil hindi na kontrolado ng Republican Party ang Kongreso, posibleng maharap sa impeachment process na nanggagaling sa House of Representatives at lilitisin ng Senado. Binanggit din nito ang isinagawang malawakang protesta sa halos lahat ng siyudad at estado sa Amerika na tinawag na No Kings Rally dahil sa pagkilos ni Trump na animo hari na may absolute power.
Kaugnay ng nalalapit na pagbisita ni Trump sa Pilipinas ngayong buwan, inaasahan ni Prof. Simbulan na maraming Pilipino ang magpoprotesta dahil naapektuhan din ang Pilipinas sa pagtaas ng presyo ng gasolina at bilihin bunsod ng giyera sa Iran. Umaasa rin aniya siya na magising ang mga Pilipino lalo na ang mga millennials at Gen-Z na aniya ay idealistic, at ma-reject ang mga political dynasty at kulto ng mga Duterte upang maitulak ang agenda na magbibigay ng kaunlaran sa bansa sa pamamagitan ng pagsuporta sa agrikultura.










