Pumalo na sa mahigit ₱288 milyon ang tinatayang pinsala ng El Niño sa sektor ng agrikultura sa buong Region 1, batay sa kasalukuyang datos ng Department of Agriculture Regional Field Office 1 (DA RO1).

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Briones, Alternate Focal Person ng Depertment of Risk Reduction Management-Department of Agriculture Regional Office 1 (DRRM-DA RO1), tinatayang nasa 8,312 magsasaka na ang apektado habang umabot naman sa 3,553.85 ektarya na ang mga napinsalang lupang sakahan kung saaan nasa 99 porsyento ng nasabing bilang ay sakop ng mga palayan.

Ibinahagi rin ni Briones na ang mga probinsya ng La Union, Ilocus Sur at Ilocos Norte ang mga probinsyang nakapagtala ng oinakamalubhang pinsala habang nananatili namang maayos pa ang kalagayan ng mga sakahan sa Pangasinan.

--Ads--

Kaugnay nito, patuloy umano ang pagbabantay ng DRRM-DA RO1 Operations Center katuwang ang mga lokal na pamahalaan at agricultural workers upang masubaybayan ang epekto ng tagtuyot at matukoy ang pangangailangan ng mga apektadong magsasaka

Samantala, kabilang sa mga inihahandang interbensyon ng ahensya ang pamamahagi ng mga binhi, pataba, pestisidyo at suporta sa irigasyon, gayundin ang fuel subsidy para sa mga piling munisipalidad.

Binigyang-diin ni Briones na patuloy na magbibigay ng tulong ang DA RO1 sa mga magsasaka upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa produksyon ng pagkain at mapangalagaan ang food security sa rehiyon.