Nagbanta ng welga ang DHL United Workers Union matapos magpasya ang pamunuan ng DHL Supply Chain na isara ang kanilang bodega, sa kabila ng mataas na boto ng mga manggagawa para sa unyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Al Apostol, 1st Vice President ng unyon, sinabi niyang magsasagawa sila ng strike kung hindi tutugon ang management sa kanilang mga kahilingan.

Kabilang sa panawagan ng grupo ang pagrespeto sa karapatan ng mga manggagawa na sumapi sa unyon at makipagkasundo sa pamunuan. Hinihiling din nila ang 300 porsiyentong separation pay, tamang bayad sa kanilang pinasok na trabaho, pag-aayos ng wage disparity sa pagitan ng mga beterano at bagong empleyado, at pagpapabuti ng kanilang mga benepisyo.

--Ads--

Giit ni Apostol, nagsasagawa umano ng union-busting ang management at tumatanggi itong makipag-negosasyon sa mga manggagawa.

Ngayong Agosto 13, isasagawa ang ikapitong hearing sa Department of Labor and Employment o DOLE kaugnay ng usapin.

Binubuo ang unyon ng 264 na miyembro na umaasang pagbibigyan ng pansin ang kanilang mga kahilingan, kabilang ang pagrespeto sa kanilang karapatan bilang unyon at pagtigil sa umano’y union-busting.

Ayon naman kay Nice Coronacion, Deputy Secretary General ng SENTRO, malinaw umano ang ginagawa ng management na union-busting at pananakot sa mga manggagawa.

Depensa ni Coronacion, naitatag ang unyon noong Mayo 2026 sa ilalim ng pederasyong SENTRO at dumaan ito sa legal na proseso.

Dahil dito, aniya, may karapatan ang mga manggagawa na makipag-negosasyon para sa isang Collective Bargaining Agreement o CBA, partikular sa usapin ng tamang sahod at seguridad sa trabaho.

Giit pa ni Coronacion, nararapat lamang na igalang ng DHL ang karapatan ng mga manggagawa na mag-unyon at makipag-collective bargaining, lalo’t kabilang umano ang kumpanya sa mga lumagda sa isang global framework agreement kasama ang malalaking unyon.