Ipinaliwanag ni Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng CENPELCO, ang dahilan ng pagtaas ng singil sa kuryente ng mga consumer ngayong buwan ng Hunyo.

Ayon kay Corpuz, umabot sa 92 sentimo kada kilowatt-hour ang itinaas sa generation rate na isa sa mga pangunahing dahilan ng paglobo ng bayarin sa kuryente.

Bukod dito, mas mataas din ang naging konsumo ng maraming kabahayan at establisimyento dahil sa matinding init ng panahon.

--Ads--

Sinabi niya na kapag tumitindi ang init ng panahon, mas madalas gamitin ng mga consumer ang mga kagamitang de-kuryente tulad ng air conditioner, electric fan, refrigerator at iba pang cooling appliances, na nagreresulta sa mas mataas na konsumo ng kuryente.

Dagdag pa ni Corpuz, nakaapekto rin sa pagtaas ng singil ang mga isinailalim na yellow alert at red alert status sa Luzon grid noong buwan ng Mayo.

Aniya, kapag nagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng kuryente at tumataas ang demand, naaapektuhan ang presyo ng kuryenteng binibili mula sa wholesale electricity market.

Dahil dito, pinayuhan ng opisyal ang mga consumer na maging mas maingat sa paggamit ng kuryente upang makatulong sa pagpababa ng kanilang buwanang bayarin.

Aniya, mahalagang patayin ang mga hindi ginagamit na appliances at gumamit ng mga paraan ng pagtitipid sa enerhiya lalo na sa panahon ng tag-init.