Tiniyak ng National Food Authority (NFA) Eastern Pangasinan na patuloy ang kanilang paghahanda para sa nalalapit na pangunahing anihan habang isinusulong ang mga hakbang upang mapalawak ang pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.

Sa panayam, sinabi ni Frederick Dulay, Branch Manager ng NFA Eastern Pangasinan, na nagpapatuloy ang kanilang milling operations upang magkaroon ng sapat na espasyo sa mga bodega para sa pag-iimbak ng mga bagong ani ng mga magsasaka.

Ayon sa NFA, umabot lamang sa 7,112 sako ng palay ang kanilang nabili noong Abril hanggang Mayo, katumbas ng 1.02 porsiyento ng kanilang taunang target na 700,000 sako.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Dulay na karamihan sa mga magsasaka ay naunang nakapagbenta sa mga pribadong trader at negosyante, habang natapos na rin ang harvest season para sa summer crop.

Sa kabila ng mababang procurement, sinabi ng opisyal na nananatiling sapat ang kasalukuyang buffer stock ng NFA para sa pangangailangan ng lalawigan, lalo na sa panahon ng kalamidad at relief operations.

Ayon sa kanilang talaan, mayroon silang humigit-kumulang 430,000 kilo ng palay at 270,000 kilo ng bigas. Kapag pinagsama, umaabot sa mahigit 700,000 kilo ng rice equivalent inventory na maaaring magamit sa panahon ng pangangailangan.

Ipinaliwanag ni Dulay na ang buying price ng NFA ay dumaraan sa masusing pagsusuri. Lingguhang kinokolekta ng tanggapan ang prevailing market prices sa lalawigan at isinusumite ito sa central office para sa pag-apruba.

May mga pagkakataong mas mababa o mas mataas ang inaprubahang presyo kumpara sa rekomendasyon ng lokal na tanggapan dahil isinasaalang-alang din ang galaw ng presyo sa pambansa at pandaigdigang merkado ng bigas.

Patuloy namang gumagawa ng mga bagong guidelines at standard operating procedures ang central office upang mapagaan ang proseso ng pagbebenta ng palay sa NFA.